Pagninilay sa Pitong Wika ni Kristo Habang Ako’y Nag-aayuno Ni Prop. Ed Aurelio C. Reyes Pasimuno, Lumalawig na Pag-aayuno Laban sa Plantang Nukleyar 1. Batay sa unang wika na isinulat ni Lucas, 23:33-34 Ama, patawain Mo muna sila, hindi pa nila alam ang kanilang ginagawa o hindi ginagawa. Ang mga konggresistang pabor sa BNPP ay tumatangging tumitig sa nagawa na at nagastahan nang pagsusuri ng mga eksperto sa lagpas-40,000 depekto ng planta; di tuloy nila alam ang talagang laki ng panganib at pinsalang iniuumang nito. At ang kwartang Cojuangco ay inaakala pa ring madadala nila sa hukay. Liwanagan mo rin po sana ang isipan ng lahat ng may-taya sa usaping ito: na nagtatagumpay lamang ang kasamaan habang kinukunsinti o basta na lamang sinusukuan. 2. Batay sa ikalawang wika na isinulat ni Lucas, 23:39-43 Tunay nga, makasasama kita sa Paraiso. Mababawi mo ang sama-samang karangalan ng bansang Pilipino, basta’t karamihan ay magpapakatao at makipagkapwa-tao: gagamitin ang lahat ng kakayahang ibinigay ng Lumikha upang bawa’t isa ay magkaroon ng lakas ng loob at tatag ng loob na tumindig at gapiin ang kahirapan, panganib, kapinsalaan, at panlilinlang, at, batay sa angking lakas ng bawat isa ay magsanib-lakas ang Pilipinas. 3. Batay sa ikatlong wika na isinulat ni Juan, 19:25-27 Ina, masdan ang iyong anak; anak, masdan ang iyong ina. Sama-sama sa bawat tahanan at bawat nayon ang pangunahing mga kinatawan ng kahapon, ngayon at bukas at kailangan nilang mag-ambagan ng natatanging kakayahan alang-alang sa pagsulong nilang lahat sa landas ng pag-unlad bilang mga tao: kabataang may pangarap, enerhiya at labis na panahon; nakatatandang may katalinuhang dala mula sa mayamang karanasan; at kalagitnaang-gulang na nasa mga katungkulan at may kombinasyon ng dalawang pangkat. Mahalaga silang lahat sa kapakanan ng kabuuan, matuto lamang maggalangan, magtulungan, at magmahalang tunay!! 4, Batay sa ikaapat na wika na isinulat ni Marcos, 15: 33-34 Diyos ko, bakit mo ako pinababayaan? Tayo ba’y hinahayaang dumanas ng pagdurusa upang sa wakas ay matutunan na natin ang dapat nating sama-samang matutunan? Lagi na lamang bang mga manlilinlang ang maghahalinhinan, habang tayo ay nananatiling mga kunsintidor, duwag sa kanilang mga pananakot, at utu-uto sa kanilang mga pangako? Habang nananatili tayong palaasa sa mga kaisipan at galaw ng iba? Habang nananatili tayong at palaiwas sa mahirap at matagal na pagsisikap tungo sa tunay na pagbabago na magsisimula sa ating kalooban, ugali, at pag-uugnayan? Habang nananatili tayong palahintay at palaasam ng makukuhang limos bago natin makitang kaya naman nating kumilos? 5. Batay sa ikalimang wika na isinulat ni Juan 19:28 Nauuhaw ako. Uhaw ako na makita’t maranasang muli ang mga kababayang nagbabayanihan bilang malinaw na palatandaan ng malalim na pagmamahalan. Tila nawala ang kakayahan sa ganitong ugali ng lahi magmula nang hayaang ang sumakop na taga-kanluran ay kubabawan at pinsalain ang ating angking buti at halinhan ito ng ugaling makasarili sa napakaliliit na sari-sarili at magkanya-kanya ng pamumuhay na wala na halos pagmamalasakitan sa isa’t isa. Nawala ang tiwalaan at ang pagsasanib-lakas kaya’t naging napakahirap ang pamumuhay, pakikipamuhay at ang paghahanap ng ikabubuhay. Ang Panginoon ay naghabilin na tayo’y magmahalan gaya ng pagmamahal niya sa atin. Abala ngayon ang mga Pilipino sa kanya-kanyang pagliligtas ng kaluluwa, habang nanganganib ang mga kapatid laluna sa Morong at mga kalapit nito dahil sa binubuhay muli ang nukleyar na proyekto. Kung narito pa si Hesus, marahil ay kanyang mababanggit: “Nanganganib ang ating mga kapatid… malasakit ay di dapat ipagkait.” 6. Batay sa ikaanim na wika na isinulat ni Juan, 19:29-30 Naganap na. Naitanim na ng Panginoon sa Sangkatauhan ang Kanyang mapagmahal na Liwanag, ngunit sadyang hindi madali na ito’y maunawaan at isabuhay ito ng lahat. Ngunit ang gawaing pagliligtas sa atin sa pamamagitan ng Kanyang pakikipamuhay sa atin, sa Kanyang pagdurusa, sa Kanyang pagkamatay sa krus at sa muli Niyang pagkabuhay, ay hindi na kailangan pang ulitin ng ating Panginoon. Ang kailangan na lamang ay tablan ng Kanyang Banal na Liwanag ang ating mga utak at, laluna, ang ating mga puso. Tiyak na darami ang mga mamumulat sa katotohanan, sa Kaisahan ng Lahat; at sa hanay ng mga mamumulat ay tiyak ding darami ang mga magpapasya nang lumaya at mangingibabaw na sa mga hadlang at aktibo nang kikilos upang ipagpatuloy at lubusin na ang pagliligtas na noon pa nasimulan. 7. Batay sa ikapitong wika na isinulat ni Lucas, 23:46 Ama, sa mga kamay mo'y ipinauubaya ko na ang aking kaluluwa. Sundin ang loob Mo, O Ama Namin, dito sa lupa para nang sa Langit. Kami ay laan sa gawain Mo, Panginoon. Magpapatuloy kami sa pagsusulong ng iyong Mapagmahal na Katarungan, nang may kahandaan na di agad tatayog at magbubunga ang mga punong aming itinatanim ngayon sa Iyong Dakilang Ngalan. Hindi man namin inaasahan pang maaabutan ng hiram naming buhay ang pagyabong ng mga sanga, dahon, bulaklak at bunga ng mga punong ito, amin nang ipinagpapasalamat na nabigyan Mo po kami ng pagkakataong maglingkod at magkaloob sa darating pa lamang na mga salinlahi ng aming mga anak. At sa halip na dumaan lamang at tumagal nang kaunti sa buhay na ito, ang kaloob mong hininga ay binigyan Mo ng tunay na saysay. Amen. Abril 8, 2009 / Morong, Bataan, Pilipinas
Please send all feedback to us via the FEEDBACK BOX or send an email to saniblakas.foundation@yahoo.com |
FEEDBACK BOX: |