ANG GANDA NG MORONG! Obispo Socrates Villegas Obispo sa Diyosesis ng Balanga "Pahatid sa Bayan ng Diyos sa Morong, Bataan" na binasa para kay Obispo Villegas ni Padre Ronnie Loreto, kura paroko ng Morong, sa rali na idinaos ng mga taga-Morong at maraming tagapagtaguyod mula sa iba pang mga bayan ng Bataan at mula sa Metro Manila, noong Marso 27, 2009. HABANG NAKIKINIG KAYO sa pahatid na ito, ako naman ay nasa Malolos, Bulacan upang ihatid sa huling hantungan ang isa kong kapatid na Obispo, ang Kagalang-galang na Obispo Manuel del Rosario. Matagal ko nang pinaghahandaan ang ating rally sa Morong sa Morong, subalit kailangang tupdin ko ang ang aking tungkulin sa isang yumaong kapatid, at sana ay nauunawaan ninyo ito. Kung mahahati ko lamang ang aking katawan upang makarating ako sa dalawang lugar ay gagawin ko at ang bahagi kung nasaan ang aking puso and ipadadala ko sa Morong. Mahal ng Diyos ang Morong. Mahal ko ang Morong. Pagmamahal sa Morong --- ito lamang ang dahilan kung bakit tayo naririto. Dahil mahal natin ang Morong, nais nating ipagtanggol ang Morong. Dahil mahal natin ang Morong, nais nating iligtas ang kagandahan ng Morong at dumarami na ang mga tagaibang-bayan ang dumadayo sa Morong upang makaniig ang ganda ng ating mga dagat at dalampasigan. Dahil mahal natin ang Morong, mapayapa ang ating bayan, kaya nga maraming taga-Morong ang nais nang bumili ng lupa at manirahan kasama natin. Mahal natin ang mga bata at kabataan ng Morong kaya nga nagbukas tayo ng paaralan sa Poblacion upang tiyakin ang kanilang magandang kinabukasan. Ang ganda-ganda ng Morong. Mahal na mahal ko ang Morong. Mahal na mahal natin ang Morong. Gaganda ba ang Morong kung bubuksan ang nuclear power plant? Walang ligtas na nuclear reactor. Sa Chernobyl, ang sabi nila animnapung tao ang agad namatay subalit pagkatapos ng aksidente ay dalawandaan at pitumping libo (270,000) ang nagkaroon ng kanser o iba pang katulad na karamdaman. Kung mangyari ito sa Morong, gaganda ba ang Morong? Walang malinis na nuclear plant! Ang basura ng nuclear plant ay plutonium na mas mabagsik pa ang panganib na dala kaysa sa uranium. Ang bagsik at panganib nito ay mananatili sa loob ng dalawangaang libong taon pa. Kung ito nman ay iligpit sa lupa at tumagas, masisira ang dagat ng Morong at hindi na maaaring tamnan ang ating bukirin at bundok. Kung mangyari ito sa Morong, gaganda ba ang Morong? May nuclear power plant na raw ang maraming bansa kaya gumaya na rin tayo sa kanila upang umunlad. Kung gusto ng ibang bansa na mamuhay na nasa bingit ng panganib, sila na lang! Hindi mura ang nuclear power plant sapagkat ang bayad sa nuclear power plant ay kalusugan ng tao, buhay ng kalikasan, at kaligtasan ng susunod na salinlahi. Kung mapanganib mabuhay sa Motong, gaganda ba ang Morong? Gaganda raw ang Morong kapag binuksan ang nuclear power plant dahil maraming hanapbuhay ang ibibigay sa taga-Morong. Hanapbukay kahit sirain ang kalikasan? Ang budget na gustong ilagay ay isang bilyong dolyar. Saan kukunin ito? Sa taumbayan din sa pamamagitan ng pangungutang at pagbabayad ng utang sa pamamagitan ng dagdag na buwis. Para daw pag-aralan at suriin ang kaligtasan ng nuclear plant, gagastusan ng isangaang milyong piso. Kung sa halip na pag-aralan ang nuclear power plant ay paaralin na lang ang lahat ng kabataan sa Morong, hindi ba ito ang tunay na pagganda sa Morong? Gusto pa ng pamahalaan na pag-aralan kung ligtas ang nuclear power plant at gastusan ng isandaang milyon! Tayong taga Bataan, matagal na nating alam at walang gastos -- HINDI LIGTAS ANG NUCLEAR POWER PLANT. Huwag sayangin ang pera ng bayan sa pag-aaral ng nuclear plant! Kahit Grade Five alam na iyan! Bakit si Congressman hindi alam? Mga kababayan ko sa Morong, mahal ko kayo. Mahal kayo ng kaparian. Mahal kayo ng Diyos. Napatunayan na namin ito sa maraming pagkakataon. Mahalin din sana ninyo ang inyong sarili. Huwag kayong palinlang. Aalagaan namin kayo. Mag-alagaan din kayo sa isa't isa. Papangit ang Morong dahil sa nuclear power plant. Uurong ang Morong kapag binksan ang nuclear power plant. Iiwasan tayo ng turista dahil sa nuclear power plant. Maganda ang Morong! Iligtas ang kagandahan ng Morong. Maganda ang Morong. Pangit ang nuclear power plant. Bawal ang pangit sa Morong! Mula sa Katedral ng San Jose, Balanga, ikadalawampu at pito ng Marso, 2009. +SOCRATES B. VILLEGAS Bishop of Balanga Please send all feedback to us via the FEEDBACK BOX or send an email to saniblakas.foundation@yahoo.com |
FEEDBACK BOX: |