BAGONG LIHAM SA KABABAIHAN NG MALOLOS 

Ni Prof. Ed Aurelio C. Reyes

Pasimuno at Tagapagsalita, Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan); May-Akda, The Philippines , A Century Thence, at On the Altered Indolence of the Filipinos


NITONG nakalipas na ilang taon, marami sa aking mga sulatin ay itinuon ko sa pangangailangang ang mga Pilipino ay maging mga aktibong may-taya (AkMa) sa sama-sama nating kapakanan, kalayaan, at kaginhawahan. Ngunit hindi magiging kumpleto ang pagtatalakay ko ukol sa mga AkMa kung hindi ko babanggitin at papupurihan ang ilang kababayan nating naging mga bayani sa ating pagiging dakilang lahi mahigit isang siglo na ngayon ang nakalilipas. Ang kalagayang pinangahasan nilang wakasan ay tatlong siglo na noon ang itinatagal.

May-taya sila sa pagwawasto sa isang malaking kamalian, isang malaking paglabag sa karapatan nilang mga bumubuo ng kalahati ng ating populasyon. Mahigit tatlong daang taong ang kababaihan sa Pilipinas ay pinagkakaitan ng kolonyal na pamahalaang Espanyol ng anumang pangkalahatang edukasyon sa paaralan, kahit man lamang sa kaalaman sa wikang Espanyol.

Bago nagsimula ang paghahari ng mga dayuhang iyon ay may umiiral na edukasyon sa mga pamayanan at pami-pamilya at ang nabibiyayaan ay lahat – lalaki, babae, bata at matanda – ayon sa pananaliksik na sinimulan nina Andres Bonifacio. Noon ay mayroon tayong ‘universal literacy’ at ang karaniwang tao ay nakababasa at nakasusulat sa tunay nating paraan, na tinatawag ngayong “alibata,” “baybayin” o “pantigan.” Nang mahawakan tayo ng mga mananakop, ang mga babae na lamang na binigyan ng pag-aaral ay ang mga ipinasok sa kumbento at ang direksiyon ay gawin silang mga mongha o madre na hindi inaasahang mag-isip para sa sarili kundi sumunod na lang sa mga kapasyahan at utos ng mga pari.

Noong 1888, ipinasya ng may dalawampung kababaihan ng Malolos na magtayo ng isang panggabing paaralan para sa kababaihan kahit man lamang sa sarili nilang bayang Malolos, para mag-aral ng wikang Espanyol bilang tulay sa pagbabasa ng maraming aklat na inaasahang nilang kapupulutan ng maraming kaalaman. Ihinarap nila ang panukala sa may-kapangyarihan ng Malolos, ngunit mariing tumanggi agad ang mga prayle. Naglakas-loob nilang silang iharap ang petisyon sa mismong gobernador-heneral na kataas-taasang opisyal ng pamahalaang kolonyal sa Pilipinas. Nagtagumpay sila. At pinadalhan pa sila ng isang liham ni Rizal na pinapupuri at ipinagdiriwang kapwa ang kanilang matatag na tapang at ang kanilang pagtatagumpay.

Tatlong siglo na ang usapin ng pagkakait sa kanila ng edukasyon at lehitimo naman ng kahilingan, bakit noong 1888 na lamang naganap ang pagpepetisyon? Malamang na sa itinagal-tagal ng tatlong siglo ay may una nang nakaisip ng ganoong proyekto. Ngunit marahil ay karamihan sa mga nakaisip ay nahadlangan na agad ng sariling mga agam-agam, pagkabalisa at tahasang takot na di papayag ang mga lokal na awtoridad laluna ang mga prayle na noo’y tunay na napakamakapangyarih an sa bayan-bayan (“naku, mahirap ‘yan, huwag na lang!” o “naku, baka maparusahan pa tayo!”)

Sila’y may-taya at mulat pa ngang mga may-taya (mga “MuMa”) ngunit tila pinigil ng sariling kahinaan kaya’t di na lang nangahas na maging mga aktibong may-taya (“Akma”). Marahil din na mayroon namang nakapangibabaw sa sariling mga kahinaan at nangahas na kumilos, at tulad ng inaasahan ay hinadlangan ng prayle sa lugar kaya’t isinuko na lamang ang pagsisikap.

Mas mahusay naman na iyon kaysa sa mga nagpapigil na agad sa sariling takot. Ngunit kinapos pa rin ng determinasyon, nang maharangan, na ihanap ng ibang landas ang pagsisikap. Daig sila ng mga kababaihan ng Malolos na kumilos noong 1888, na lumagpas na nga sa unang balakid (sariling mga dahilan para umatras na bago pa man makapagsimula) ay lumagpas pa rin sa ikalawang balakid (ang pagtutol ng makapangyarihang prayle).

May matingkad na mga aral na iniwan sa atin ng kababaihan ng Malolos. Sa kalagayan noon, na malalimang sinuri sa liham-pagbati ni Rizal, ay di pa nakapagsisimula ang kababaihan na mapalaya ang sarili sa mga kahong pinagkulungan sa kanilang pagkatao, na sila diumano ay mahinang kasarian, na di raw kagulat-gulat kung sila ay maduwag sa mga pagsisikap at pakikipagharap sa makapangyarihang awtoridad, at nararapat lamang sa bahay upang magpalaki ng pamilya at magpalaki ng mga anak at sumunod lamang sa mga kapasyahan at utos na asawa at iba pang kalalakihan.

Hindi pa natutukasan noon ng diskursong intelektwal sa daigdig ang napakalaking halaga ng pagsasanib-lakas ng buu-buong pagkatao ng mga kasarian (paradigm of gender harmony, na lagpas pa sa pagiging magkapantay ng babae’t lalaki). Sa daan-daang taong umiral ang mga sistemang monarkya at kolonyalismo sa daigdig ay pinagharian at “kinolonya” ang maraming bahagi ng daigdig ng kaisipang dapat nakapangingibabaw sa kababaihan ang mga kaisipan at mga kapasyahan ng mga lalaki.

Sumunod dito ang mahigit kalahating siglo na bumalikwas na sa ganoong kaapihan ang kababaihan. Mayroon ngang mga lumagpas na sa pag-aasam lamang ng pagkapatas at pagsasanib-lakas ng mga kasarian — itinuturing na nilang likas na kaaway ng kababaihan ang kalalakihan, at ang huli’y dapat paghigantihan at parusahan sa pamamagitan ng pagbabaligtad ng maling ugnayan – upang babae naman ngayon ang mangibabaw sa lipunan at pasunurin na lamang ang kalalakihan.

Nalimutan nilang ang pinakamahalaga ay ang pagpapakatao at pakikipagkapwa- tao ng bawat isa ayon sa kanyang kalooban at di ayon sa kanyang katawan, anuman ang kasarian, sapagkat tunay na iisa lamang ang pagkatao ng lahat.

Ang ginawa ng kababaihan ng Malolos noong 1888 ay isang lantad at mapangahas na pagwasak sa ganoong kahon noong kanilang panahon – na ang mga babae ay pinipilit, at pumapayag, na maging sunud-sunuran lamang sa dominasyon ng kalalakihan.

Ang aksyon ng mga kababaihan ng Malolos noong 1888 ay mensahe sa kapwa nila kababaihan na kung talagang gugustuhin ay kaya nilang lahat ang ganoong tapang at determinasyong magtagumpay; mensahe ito sa kalakakihan na walang katwiran ang ilusyong macho na diumano’y mas matapang at mas matatag kaysa kababaihan.

Hindi lamang si Rizal ang may dahilang pumalakpak (na ginawa niya sa pamamagitan pagpapadala ng sulat mula sa kinaroroonan niya sa Europa). Tayong lahat! At lagpas sa pagpalakpak, gawin natin silang huwaran lalo na sa kasalukuyan at sa mahabang hinaharap.
Sa taunang mga anibersaryo ng aksyon ng Kababaihan ng Malolos noong 1888 at ng pagliham sa kanila ni Rizal paglipas ng dalawang buwan, hindi lamang ang mga kababaihan ng Malolos, hindi lamang ang lahat ng taga

Malolos at lahat ng taga-Bulakan ang dapat na nagbubunyi. Ang karapatdapat magbunyi sa pagkilos at tagumpay, at magtaguyod ng mga aral na kaloob, ng Kababaihan ng Malolos noong 1888, ay ang lahat ng kababaihan at lahat ng mamamayan sa Pilipinas at sa buong daigdig! Dapat itong umalingawngaw, sa Pilipinas man lamang, sa nalalapit na Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Marso Ocho!

Batay sa paninindigang ito, at sa paglingon sa mga konteksto at paglingon din sa mga aral na mahuhugot sa aksyon ng Kababaihan ng Malolos noong 1888, iniaalay ko ngayong Pebrero 22, 2008, ika-119 anibersaryo ng orihinal na liham ni Rizal, ang isang “Bagong Liham sa Kababaihan ng Malolos.”

Iniaalay ko ito sa lahat ng dapat magbunyi, laluna ang lahat ng ating mga kababayan, babae at lalaki, dito man sa Pilipinas o sa ibayong-dagat. Iminumungkahi kong paghandaan nating lahat, sa pangunguna ng Women of Malolos Foundation Inc. (WOMFI) at iba pang lokal at mga pambansang samahang pangkasaysayan at mga samahan ng kababaihan, at laluna ang mga samahan at indibidwal na nagtataguyod sa pagsasanib-lakas ng mga kasarian, ang masigabo, makabuluhan at malawakang pagbubunyi sa darating na ika-120 anibersaryo ng aksyon ng ating mga bayaning Kababaihan ng Malolos ng 1888 sa darating na Disyembre 12.

Sa paghahanda at sa mismong pagbubunyi ay marapatin sanang isaalang-alang ang mga nilalaman ng liham kong ito, gaya ng sumusunod na mga punto:
Unahin natin ang pitong mahahalagang punto ni Rizal na ihinanay niya sa dulong bahagi ng kanyang liham noong Pebrero 22, 1889:

“Ang unang-una. Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa kaduwagan at kapabayaan ng iba.

“Ang ikalawa. Ang inaalipusta ng isa ay nasa (kakulangan) ng pagmamahal sa sarili at nasa labis na pagkasilaw sa umaalipusta.

“Ang ikatlo. Ang kamangmanga’y kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon ang tao: taong walang sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba ay parang hayop na susunod sa tali.

“Ang ika-apat. Ang ibig magtago ng sarili ay tumutulong sa ibang magtago ng kanila, sapagkat kung pabayaan mo ang iyong kapwa ay pababayaan ka rin naman: ang isa-isang tinting ay madaling baliin, ngunit mahirap (baliin) ang isang bigkis na walis.

“Ang ika-lima. Kung ang babaing Tagalog ay di magbabago, hindi dapat magpalaki ng anak, kundi gawing pasibulan (tagapagsilang) lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, kung hindi’y ipagkakanulo nang walang malay ang asawa, anak, bayan at lahat.

“Ang ika-anim. Ang tao’y inianak na paris-paris (magkakatulad) , hubad at walang tali, di linalang ng Diyos upang maalipin, di binigyan ng isip para mabulag, at di hiniyasan ng katuwiran (upang) maulol ng iba. Hindi kapalaluan ang di pagsamba sa kapwa-tao, ang pagpapaliwanag ng isip at ang paggamit ng matuwid sa anumang bagay. Ang palalo ay ang nagpapasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig papaniigin ang kanyang ibig sa matuwid at karampatan.

“Ang ikapito, Liningin ninyong magaling kung ano ang relihiyong itinuturo sa atin. Tingnan ninyong mabuti kung iyan ang utos ng Diyos o ang pangaral ni Kristong panlunas sa lahat ng mahirap, pang-aliw sa dusa ng nagdurusa. Alalahanin ninyo ang lahat ng sa inyo’y itinuturo, ang pinapatunguhan ng lahat ng sermon, ang nasa ilalim ng lahat ng misa, novena, cuitas, kalmen, larawan, milagro, kandila, correa at iba’t iba pang iginigiit, inihihiaw, isinusurot araw-araw sa inyong loob, tenga at mata, at hanapin ninyo ang puno’t dulo, at iparis ninyo ang relihiyong iyan sa malinis na relihiyon ni Kristo, at tingnan ninyo kung hindi ang inyong pagka-Kristiyano ay paris ng inaalagaang gatasáng hayop o paris ng pinatatabang baboy kaya, na di pinatataba alang-alang sa pagmamahal sa kanya, kundi (upang) maipagbili nang lalong mahal at nang lalong masalapian (lalo silang magkapera).”

May mga babasa nito na sasalungat sa ilang punto ni Rizal, laluna ukol sa relihiyon, dahil baka makasakit sa damdamin ng mga taong-simbahan na nagbago naman na ng ugali at gawi kung ihahambing sa mga prayle, madre, at manang sa kapanahunan ni Rizal. Sa palagay ko’y may sapat na kakayahan ang mga taong-simbahang ito na pabulaanan ang mga sinabi ni Rizal, at patunayan sa aktwal nilang mga gawi at gawa, na hindi iyon aplikable sa kanila. Mas marami naman ang mabilis na sasang-ayon sa karamihan ng nilalaman ng pitong punto ni Rizal, ngunit mabilis ding iiwas na ang mga iyon ay titigan.

Mabilis nilang ipagpapalagay, kahit maling ipagpalagay, na ang mga pagpapaalala ni Rizal ay hindi aplikable sa kanila at hindi aplikable sa kasalukuyang mga krisis sa lipunan, gaya ng talamak na pagnanakaw, mga pagsisinungaling at mga pagkukubli na ginagawa sa halos lahat ng opisina at ahensya ng pamahalaan.

Nakapagpapatuloy ang maliliit at malalaking krimen kapag ipinipikit natin ang ating mga mata at hinahayaan nating mamihasa sila, kung ikinikibit lamang natin ang ating balikat, ihinahalukipkip lamang natin ang ating mga bisig, at nagtutulug-tulugan lamang tayo sa mga kasamaang lumalalim at lumalawak, dahil takot tayong tumaya ng pagsisikap na baka lamang mabale-wala, dahil takot tayong mapag-initan at maparusahan, dahil tayo’y may “labis na pagkasilaw sa umaalipusta” sa ating kapakanan, sa ating mga karapatan at sa ating karangalan. Hindi nga ba’t “ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa kaduwagan at kapabayaan ng iba”?

Paano ba tayong nagkaroon ng populasyong ang karamihan ay ganito? Bahagi ng kadahilanan ay nasa sistema ng edukasyon. Ang pormal na pag-iiskwela ay nakabatay sa motibong makapagtapos upang humanap ng trabaho.

Kung nasasaling man ang usapin ng pagpapakatao at pakikipagkapwa- tao, ito’y nakakulong lamang sa naglalaho na ring mga subject na “Good Manners and Right Conduct,” “values” at “Ethics.” Di pa halos naiuugnay ang mga ito sa personal na galaw at ugali ng mga nagtuturo at ng mga superbisor ng mga nagtuturo, at lalong malayo sa mga ugali at gawi ng mga opisyal at matataas na kawani sa pamahalaan.

At dahil ang trabahong hinahanap ngayon ay hindi kayang likhain ng ekonomiyang Pilipino na nakahandusay dahil kinokontrol at hinuhuthot ng dayuhang mga interes, programa at patakaran, at ang inaasahan ay ang nililikha ng mga dayuhang ito sa pamamagitan ng pamumuhunan nila dito o sa sari-sariling bayan, ang tuon ang edukasyon ay ang maintindihan natin ang mga iuutos ng mga banyagang iyon at maintindihan nila ang mga iuulat natin, di bale nang tayong ilampung milyong Pilipino ay halos di na nagkakaintindihan nang totohanan! Paanong mapapanday ang malalim na malasakit sa kapakanan ng bayan kung mas malapit ang ating mga kababayan sa mga palakad, kultura at salaping dayuhan?

Ang dapat sanang nakasasaló sa malaking kakulangan ng pormal na edukasyon ay ang impormal, ang unang edukasyon na dapat sanang nakakamit ng mga bata sa kandungan ng kanilang mga magulang! Ngunit kung siglo-siglo’t deka-dekada na ngang nasanay ang mga magulang sa kultura ng pagtitiis, pagsasawalang- kibo, at pag-iwas na masangkot sa mga sama-samang pagsisikap na “baka naman mabigo lamang,” ang naituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak sa natitira pa nilang panahon sa paghuhubog ng pagkatao ng mga ito ay ang sariling depektibo na ring mga pag-iisip at pag-uugali, at ang pagpapalaki sa mga bata ay limitado na lamang sa paghahanapbuhay para sila’y mapakain at mapag-aral, upang kapag makatapos ay makahanap ng trabaho at di rin magkapanahong maghubog ng pagkatao ng sari-sarili naman nilang mga anak. Ganito lamang nang ganito ang pag-ikot ng “gulong ng palad.” Mas masama pa, lumulubha pa nga nang lumulubha ang ganitong kalakaran sa lipunang Pilipino.

Ang paghuhubog sa pagkatao ng anak, ng bagong salinlahi, ay karugtong ng pagsisilang at pagpapasuso ng mga ina sa kanilang mga sanggol. Laluna sa kasalukuyang mga balangkas ng ugnayan ng babae’t lalaki sa lipunan, lubhang mas malapit sa ina ang ganitong pagsasaalang- alang sa kapakanan ng anak, na lumalagpas sa kanyang sikmura at sa kanyang pag-eeskwela.

Kailangang igiit ng mga ina, at nararapat silang dinggin ng mga ama, na pag-ibayuhin ang pagharap ng mga magulang, bilang magkatuwang, sa paghuhubog ng isang bagong henerasyon ng mga Pilipino na mas akma bilang mga supling ng ating lahing dakila, mga supling ng mga ninunong libu-libong taóng namuhay nang marangal, mabunga at mapayapa. Kailangang pakitahan ng mga magulang ang kanilang mga anak, at maging ang isa’t isa, ng magagandang halimbawa ng paninindigan sa wastong gawain, katapatan sa katotohanan, pagmamalasakitan, pagdadamayan at pagtatangkilikan. Kailangang pakitahan ng mga magulang ang kanilang mga anak, at maging ang isa’t isa, ng magagandang halimbawa ng kung paano ang maging mga aktibong maytaya.

Hamon ko ngayon sa kasalukuyang henerasyon ng mga kababaihan ng Malolos, sa kasalukuyang mga mamamayan ng Malolos, at ng Bulakan, at ng buong kapuluang bayan, hamon sa mga Pilipinong narito man o nasa ibayong-dagat, na pagtulungan nating hubugin sa marapat at matuwid ang ating sarili at ang kasunod na mga henerasyon ng ating mga kababayan, at buuin nang malawakan ang bagong bayanihan ng tunay na pagbabago sa pulitika, ekonomiya at lipunang Pilipino.

Dinggin natin at ipasa-pasa sa maraming iba pa ang hudyat ng tambuli, ang ugong ng panawagan upang kumilos na tayo nang matatag at sama-sama laban sa tunay na mga ugat ng ating kahirapan at ugat ng pagbagsak ng ating moralidad at tiwalaan bilang bayan. Magpakatatag, magparami at magbuklod tayo sa pagiging mga aktibong may-taya sa kapakanan, kalayaan, karangalan at kaginhawahan ng ating lahing dakila.

Magsanib-lakas, Pilipinas!

Lungsod ng Makati , Pebrero 22, 2008


Please send all feedback to us via the FEEDBACK BOX or send an email to saniblakas.foundation@yahoo.com

back to opening menu

FEEDBACK BOX:

   What are your comments and questions?

Your Name &Nickname:

(Answer Required)

Position: 

Organization, Office,

School or Barangay

or country of location

Answer Required)

Postal / E-mail Address(es)

(Answer Required

Personal or work 

background relevant to  the comment 

or inquiry:

  S E N D  -->
            

back to top.